RED IS THE NEW BLACK

Avatarrandom rantings and rabid retorts of a socially-retarded, decidedly high-strung, renewed romantic

trapik

Nasaan ka na? Kailan ka ba dadating?

Umuulan na naman, alam mo namang sa tuwing umuulan at nata-trapik ako kakapanhik-panaog ng Cavite lagi na lamang sumasagi sa isip ko na sana may inuuwian akong yayakap sa akin. Hindi lamang upang painitin ang nilalamig kong
katawan, ngunit para iparamdam sa kapit ng iyong bisig na wala akong dapat ikabahala. Na ligtas ako, at hindi na muling magagalusan sa pait ng mundong umiikot para sa iba. Dahil may sariling mundo tayong kaloob sa bawa't isa.

Hindi naman ako nagmamadali, alam ko namang kung sakaling itadhana ng panahon na maligaw ka sa aking landas, maaring umusbong ang pusong ipiniring ko ng matagal. Ngunit hindi mo rin ako masisi dahil may mga gabing ang simpleng yakap mo lamang ang papawi sa luhang pilit kong ikinukubli, sa hapong dibdib na nagnanais pumiglas, at sa nangungulilang palad sa makalinga mong haplos. Malamig ngayon, pilit ko iyong iniinda. Ngunit ang paghinga ko'y hapo sa takot na baka hindi ka na dumating. Na maaring ang pangungulila ko ay siyang tanging pinagkukublian ng katotohanang hindi ako ang iyong mithi.


Sa bawat gapang ng bus na aking sinasakyan, ang katabi kong mag-irog ay walang-puknat na nakikipag-harutan sa isa't-isa. Yumayapos. Nangingiliti. Magkayakap. Habang ang lalaki sa harapan ay panay ang sulyap sa konduktor na nagtataglay ng matamis na ngiti. Ang magbabarkada sa likuran pinipilit palipasin ang limang oras na biyahe sa maharot na kantiyawan at sariwang sabi-sabi. Tila bang ang panahon ko'y sumasabay sa usad ng mga sasakyan sa kalsada. Habang ang mundo sa paligid ay umiikot, naiiwan ako sa nakatali kong pagkatao. Pilit dinadala ang responsibilidad ng pamilyang hikahos, habang ang damdamin ay nagaagaw-buhay sa lamig ng gabi. Nangungulila.

Sino ka ba sa dagat ng mga mukhang nakakasalamuha ko araw-araw? Nakilala na ba kita? O hanggang ngayon ay salisihan pa rin ang ating patinterong pihit? Hinihintay mo rin ba ako? O baka naman abala ka pa sa kanyang iyong kaulayaw ngayong gabi?

Magbubukang-liwayway na maya-maya. Titila uli ang ulan. Hayaan mo't mapapanatag ko uli ang aking kalooban, ihahanda ang pusong humarap sa gulong ng buhay na pilit kong pina-iikot. Nakaraos na naman sa mga bumabagabag kong pag-aalinlangan. Sa mga takot sa kinabukasang baka hindi naman darating. Napagtanto na ang panahon ang tanging hukom sa lapat ng ating kwento.

Baka bukas, ang unos ay titigil upang salubungin ka ng aking balikat.
Baka lang.

3 redmarks:

July 17, 2009 at 10:20 PM tagabukid said...

onga kelan kaya maso-solve ang problema ng traffic sa coastal/bacoor.

minsan sa pag ikot ng mundo mas pnipinli natin magpaiwan kesa makisabay. it's kinda tough the moment we resist or try to go against the current. before we know it ang bangkang sinasagwan natin, called life, ay nawawasak na.

taga-cavite ka pala.

July 18, 2009 at 7:32 PM red the mod said...

@tagabukid: Pangarap na lang nga ata na maayos ang traffic sa Coastal Road eh. Isipin mo uwian ako ng Cavite from work.

Nakakatakot nga na makipagsapalaran lalo na sa ating puso. Pero mas nakakatakot na tanggapin ang posibilidad na maaring walang para sa atin.

Oo, taga-Cavite ako. Pero hindi ako Caviteńo. Laking Quezon City, namuhay ng hiwalay sa pamilya. Ngayon lamang ako uwian sa amin.

May 2, 2013 at 12:37 AM Ivan said...

wow taga cavite. 2013 still traffic haha

Post a Comment