tuwing umuulan
Alintana ko ang lamig sa bawat hagupit ng kalangitan. Mumunting butil ng luhang pumapatak, kumakatok, sa lalim ng aking pagkatao. Nagsusumamo, isang paalala, na patalikod na hinuhugot ang lungkot na wari ko’y limot na. Ngunit, kapag ang langit ay dumadampi sa lamig ng aking pisngi, ay umaagos muli bilang bukal. Mahinahon at panatag, lumulublob, malinaw, umaagos. Nagbabago, paunti-unti at pataksil, bilang isang rumaragasang ilog. Walang pakundangan, mapusok at hindi mapigil.
Sa lilim ng mga tala, samu’t-saring nakaligtaang alaala ang bumabalot sa aking kaibuturan, bumabaon sa kalamnan. Ang pagbuhos ng ulan ang malungkot at mapagkutyang heleng yayakap sa akin. Paglatag ng aking pagod na katawan sa init ng higaang buong araw kong pinangarap, aagos ang dilim sa pagbuhos ng kanyang sandakot na biyaya.
Walang isang tao, o panahon, oras o lugar, walang natatanging alaala, ang bubuo at aamin. Ngunit hindi ko maitatanggi na kapag ang ulan ay nagbabadya, bumabalik sila, bawa’t isa, mapanglaw at marikit, mga alaalang hindi mahagilap, ayaw magkubli. At sa kanilang pagbisita, ako’y matutulala.
Unti-unti, ang mga patak ng ulan ay sasabay sa indayog ng mga alaalang lalandi, lulusong, lalantad, sa aking ulirat. Isang sayaw ng sumpa na sasanib, hanggang ako mismo ay magiging isa sa ulan. Sa alat ng luhang papatak mula sa aking mga mata. Aagos sa unang walang kibo, walang sagot, hahagkan ko sa paglatag ng araw.
Bukas, mamaya, titila din ang ulan.
Image by author.
guideline
inebriated,
narrative,
pink
Subscribe to:
Post Comments


7 redmarks:
Isa ka ngang tunay na maestro sa larangan ng wika! Mabuhay!
napakalambing mong manunulat. : )
@Mu[g]en Naku, maraming salamat. Ikaw din kaya! Mabuhay tayong lahat!
@Alterjon Malambing din ako kasing tao. Or, at least, I'd like to think that I am. :)
napakahusay talaga. animo'y mga wika ng mga musa. =)
@paci Salamat. =)
Bakit laging malungkot ang dala ng ulan? Gusto kong alalahanin ang mga panahong masarap maligo sa ilalim ng ulap at alulud, at sariwain ang sayang dulot ng malamig na tubig sa aking balat. Tapos, nakikipaglaro ako ng habulan sa mga kababata, hanggang sa tumila ang ulan at kami'y magpapatuyo na sa bahay, at matutulog saglit.
@~Carrie~ Siguro darating din ang araw na ang lungkot at pait na dala ng ulan sa akin ay mapapalitan, maiibsan, ng mga magagandang alaala na pupukaw, papalit sa aking mga hinanakit sa tadhana. Sana nga muli tayo'y mga bata, mababaw at madaling mapasaya.
Post a Comment